3Sinabi ng mga tagapamahala ng Jabes, “Bigyan mo kami ng pitong araw upang makapagsugo kami ng mga mensaherong magpapakalat ng mensaheng ito sa buong Israel. Kung walang magliligtas sa amin, susuko kami sa inyo.”
4Dumating ang mga mensahero sa Gibea, kung saan nakatira si Saul. Nang sabihin nila sa mga tao ang sinabi ni Nahas, humagulgol ang lahat.
5Nang oras na iyon, pauwi si Saul galing sa bukid niya hilahila ang kanyang mga baka. Nang marinig niya ang iyakan, nagtanong siya, “Ano ang nangyari? Bakit nag-iiyakan ang mga tao?” Kaya sinabi ng mga tao sa kanya ang mensahe ng mga taga-Jabes.
6Nang marinig ito ni Saul, napuspos siya ng Espiritu ng Diyos at nagalit siya nang matindi.
7Kumuha siya ng dalawang baka at pinaghihiwa niya ito. Pagkatapos, ibinigay niya ang mga piraso ng karne sa mga mensahero. Inutusan niya ang mga ito na pumunta sa buong lupain ng Israel at sabihin sa mga tao, “Ganito ang mangyayari sa baka ng mga hindi sasáma kina Saul at Samuel sa pakikidigma.” Niloob ng Panginoon na magkaroon ng takot ang mga Israelita kay Saul, kaya sumáma sila sa kanya.