41Pagkatapos, nanalangin si Saul, “Panginoon, Diyos ng Israel, ipaalam nʼyo po sa amin kung sino ang nagkasala.” Sa pamamagitan ng palabunutan, sina Saul at Jonatan ang napiling nagkasala at hindi ang mga tao.
42Sinabi ni Saul, “Magpalabunutan kami ngayon para malaman kung sino sa aming dalawa ni Jonatan ang nagkasala. At si Jonatan ang nabunot.”
43Tinanong ni Saul si Jonatan, “Ano ang ginawa mo?” Sumagot si Jonatan, “Isinawsaw ko po ang dulo ng patpat ko sa pulot at kumain ako ng kaunti. Karapat-dapat po ba akong mamatay?”
44Sinabi ni Saul, “Oo, dapat kang mamatay. Lubos sana akong parusahan ng Diyos kung hindi kita ipapapatay, Jonatan.”
45Ngunit sinabi ng mga tao kay Saul, “Si Jonatan po ang nagpanalo sa atin, at ngayon, papatayin natin siya? Hindi po maaari! Sumusumpa kami sa buháy na Panginoon na wala ni isa sa buhok niya ang mahuhulog sa lupa, dahil ang Diyos po ang tumulong sa kanya sa ginawa niya sa araw na ito.” At hindi nga pinatay si Jonatan dahil iniligtas siya ng mga Israelita.