5Sumagot si Samuel, “Oo, nandito ako para maghandog sa Panginoon. Maglinis kayo ng sarili ninyo at sumáma kayo sa akin sa paghahandog.” Pagkatapos, ginawa ni Samuel ang seremonya para linisin si Jesse at ang kanyang mga anak at inanyayahan din sila sa paghahandog.
6Pagdating nila, nakita ni Samuel si Eliab at naisip niya, “Siguradong siya na ang pinili ng Panginoon na maging hari.”
7Ngunit sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Huwag mong tingnan ang tangkad o ang kakisigan niya dahil hindi siya ang pinili ko. Hindi ako tumitingin na gaya ng pagtingin ng tao. Ang taoʼy tumitingin sa panlabas na kaanyuan, ngunit ang tinitingnan koʼy ang puso.”
8Tinawag ni Jesse si Abinadab at pinapunta kay Samuel. Ngunit sinabi ni Samuel, “Hindi rin siya ang pinili ng Panginoon.”
9Pagkatapos, pinapunta ni Jesse si Shama kay Samuel, pero sinabi ni Samuel, “Hindi rin siya ang pinili ng Panginoon.”