32Pagdating ni David, sinabi niya kay Saul, “Wala po ni isa man sa atin ang dapat na panghinaan ng loob dahil lang sa Filisteong iyon. Ako na po na inyong lingkod ang makikipaglaban sa kanya.”
33Sumagot si Saul kay David, “Hindi mo kayang makipaglaban sa kanya. Bata ka pa, habang siyaʼy mandirigma na mula pa sa kanyang pagkabata.”
34Ngunit sinabi ni David kay Saul, “Matagal na po akong nagbabantay sa mga kawan ng aking ama. Kung may leon o oso na tatangay sa mga tupa,
35tinutugis ko po ito at binubugbog, at kinukuha ang tupa. Kung lalaban ito hinuhuli ko ito sa leeg at hinahampas hanggang sa mamatay.
36Nagawa ko po ito sa mga leon at oso, at gagawin ko rin ito sa Filisteong iyon na hindi nakakakilala sa Diyos dahil hinahamon po niya ang mga sundalo ng buháy na Diyos.