12Pinalagyan niya ang mga lungsod ng mga pananggalang at mga sibat bilang dagdag na pampatibay. Kaya ang Juda at ang Benjamin ay naging sakop niya.
13Ngunit ang mga pari at mga Levita na nakatira kasama ng ibang lahi ng Israel ay kumampi kay Rehoboam.
14Ang mga Levitang ito ay iniwan ang kanilang bahay at lupa, at lumipat sa Juda at Jerusalem dahil itinakwil sila ni Jeroboam at ng mga anak nito bilang mga pari ng Panginoon.
15Nagtalaga si Jeroboam ng sarili niyang mga pari sa mga sambahan sa matataas na lugar, kung saan sumasamba sila sa kanilang mga diyos-diyosang kambing at baka na gawa ni Jeroboam.
16Ang mga Israelita sa ibang lahi ng Israel na gustong dumulog sa Panginoon, ang Diyos ng Israel ay sumunod sa mga Levita sa Jerusalem, upang makapaghandog sila ng mga handog sa Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.