9Pinalayas nʼyo ang mga pari ng Panginoon, na angkan ni Aaron at ang mga Levita, at pumili kayo ng sarili nʼyong mga pari gaya ng ginagawa ng ibang mga bansa. Sinuman sa inyo na may toro at pitong lalaking tupa ay maaaring italaga bilang pari ng inyong huwad na mga diyos.
10“Ngunit kami, ang Panginoon ang aming Diyos, at hindi namin siya itinakwil. Ang mga paring naglilingkod sa Panginoon ay mga angkan ni Aaron, at tinutulungan sila ng mga Levita.
11Tuwing umaga at gabi, naghahandog sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at insenso. Naglalagay sila ng tinapay sa mesa na itinuturing na malinis. At tuwing gabi, sinisindihan nila ang mga ilaw na nasa gintong mga patungan. Tinutupad namin ang mga utos ng Panginoon naming Diyos. Ngunit kayo, itinakwil nʼyo siya.
12Ang Diyos ay kasama namin; siya ang pinuno namin. Patutunugin ng kanyang mga pari ang mga trumpeta nila sa pangunguna sa amin sa pakikipaglaban sa inyo. Mga mamamayan ng Israel, huwag kayong sumalungat laban sa Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno, dahil hindi kayo magtatagumpay.”
13Habang nagsasalita si Abias, lihim na nagsugo si Jeroboam ng mga sundalo sa likod ng mga taga-Juda upang tambangan sila.