3Tinanggal niya ang mga altar ng mga diyos-diyosan at ang mga sambahan sa matataas na lugar. Winasak niya ang mga alaalang bato at giniba ang mga posteng imahen ni Ashera.
4Inutusan niya ang mamamayan ng Juda na dumulog sa Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, at tumupad sa kanyang mga kautusan.
5Ipinagiba niya ang mga sambahan sa matataas na lugar at ang mga altar na pinagsusunugan ng mga insenso sa lahat ng bayan ng Juda. Kaya may kapayapaan ang kaharian ng Juda sa panahon ng paghahari ni Asa.
6At habang mapayapa, pinalagyan niya ng mga pader ang mga lungsod ng Juda. Walang nakipaglaban sa kanya sa panahong ito, dahil binigyan siya ng Panginoon ng kapayapaan.
7Sinabi ni Asa sa mga taga-Juda, “Patatagin natin ang mga bayan na ito sa pamamagitan ng paglalagay ng mga pader sa paligid nito na may mga tore, at ng mga pintuan at mga kandado. Angkinin natin ang lupaing ito, dahil dumulog tayo sa Panginoon na ating Diyos. Binigyan niya tayo ng kapayapaan sa ating mga kalaban sa paligid.” Kaya pinalakas nila ang bayan at naging maunlad sila.