26Nang ikaapat na araw, nagtipon sila sa Lambak ng Beraca kung saan nagpuri sila sa Panginoon. Ito ang dahilan kung bakit tinawag itong Lambak ng Beraca hanggang ngayon.
27Pagkatapos, bumalik sila sa Jerusalem na pinangunahan ni Jehoshafat. Masaya sila dahil pinagtagumpay sila ng Panginoon sa kanilang mga kalaban.
28Pagdating nila sa Jerusalem, dumiretso sila sa Templo ng Panginoon, na tumutugtog ng mga alpa, lira at mga trumpeta.
29Nang marinig ng lahat ng kaharian kung paano nakipaglaban ang Panginoon sa mga kalaban ng Israel, natakot sila.
30Kaya may kapayapaan ang kaharian ni Jehoshafat dahil binigyan siya ng kanyang Diyos ng kapayapaan sa kanyang paligid.