6Sumunod siya sa pamumuhay ng mga hari ng Israel, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Ahab, dahil ang kanyang napangasawa ay anak ni Ahab. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon.
7Gayunpaman, ayaw wasakin ng Panginoon ang Juda dahil sa kasunduan niya noon kay David na magpapatuloy ang paghahari ng kanyang angkan magpakailanman.
8Nang panahon ng paghahari ni Jehoram, nagrebelde ang Edom sa Juda, at pumili sila ng sarili nilang hari.
9Kaya pumunta si Jehoram at ang kanyang mga opisyal sa Edom dala ang lahat niyang karwahe. Pinalibutan siya at ang kumander ng kanyang mga mangangarwahe ng mga taga-Edom, ngunit kinagabihan ay sinalakay nila ang mga Edomita, nakalusot sila at nakatakas.
10Hanggang ngayon, nagrerebelde pa rin ang Edom sa Juda. Sa panahon ding iyon, nagrebelde rin ang Libna sa Juda, dahil itinakwil ni Jehoram ang Panginoon, ang Diyos ng kanyang mga ninuno.