6Kaya ipinatawag ni Haring Joas si Joiada, ang punong pari, at tinanong, “Bakit hindi mo kinolekta sa mga Levita ang buwis ng mga mamamayan ng Juda at ng Jerusalem? Hindi ba nag-utos si Moises na lingkod ng Panginoon sa mamamayan ng Israel na ibigay nila ang kanilang buwis para sa Tolda ng Kahon ng Kasunduan?”
7Ang mga anak ng masamang babaeng si Atalia ay pumasok noon sa Templo ng Diyos at nanguha ng mga banal na kagamitan upang gamitin sa pagsamba kay Baal.
8Kaya nag-utos si Haring Joas na gumawa ng isang kahon, at ilagay ito sa labas ng pintuan ng Templo ng Panginoon.
9Pagkatapos, naglabas siya ng mensahe sa Juda at sa Jerusalem, na kailangang dalhin ng mga tao sa Panginoon ang kanilang buwis ayon sa iniutos ni Moises sa mamamayan ng Israel sa ilang.
10Masayang nagbigay ang lahat ng opisyal at tao. Inihulog nila ang kanilang pera sa kahon hanggang mapuno ito.