1Si Amazias ay dalawampuʼt limang taóng gulang nang siya ay naging hari. Naghari siya sa Jerusalem sa loob ng dalawampuʼt siyam na taon. Ang kanyang ina ay si Jehoadin na taga-Jerusalem.
2Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, ngunit hindi lubos ang kanyang pagsunod.
3Nang matatag na ang paghahari ni Amazias, ipinapatay niya ang mga opisyal na pumatay sa kanyang amang hari.
4Ngunit hindi niya ipinapatay ang kanilang mga anak, dahil ayon sa nasusulat sa Aklat ng Kautusan ni Moises, sinabi ng Panginoon, “Hindi dapat mamatay ang mga magulang dahil sa kasalanan ng kanilang mga anak, at ang mga anak ay hindi rin dapat patayin dahil sa kasalanan ng kanilang mga magulang. Mamamatay lamang ang tao dahil sa sarili niyang kasalanan.”