10At ngayon, gusto pa ninyong alipinin ang mga lalaki at mga babae na mula sa Jerusalem at Juda. Hindi baʼt may kasalanan din kayo sa Panginoon na inyong Diyos?
11Makinig kayo sa akin! Galit na galit ang Panginoon sa inyo. Kaya pabalikin nʼyo ang inyong mga kadugo na inyong binihag.”
12Ganito rin ang sinabi ng ibang mga pinuno ng Israel sa mga sundalo na dumating galing sa labanan. Ang mga pinuno ay sina Azarias na anak ni Johanan, Berequias na anak ni Mesilemot, Jehizkias na anak ni Salum, at Amasa na anak ni Hadlai.
13Ito ang sinabi nila sa mga sundalo: “Huwag nʼyong dalhin dito ang mga bihag na iyan, dahil pananagutan natin ito sa Panginoon. Dadagdagan nʼyo pa ba ang kasalanan natin? Marami na tayong kasalanan, at galit na galit na ang Panginoon sa Israel.”
14Kaya pinakawalan ng mga sundalo ang mga bihag at isinauli ang kanilang ari-arian sa harapan ng mga pinuno at mga mamamayan.