26Pumwesto ang mga Levita na may mga instrumento ni Haring David, at ang mga pari na may mga trumpeta.
27At nag-utos si Ezequias na ihandog sa altar ang mga handog na sinusunog. Habang naghahandog, ang mga awit ng papuri sa Panginoon ay sinimulan din, na tinutugtugan ng mga trumpeta at iba pang mga instrumento ni Haring David ng Israel.
28Ang buong kapulungan ay lumuhod sa pagsamba sa Panginoon habang umaawit ang mga mang-aawit at nagpapatugtog ang mga taga-trumpeta hanggang sa maialay ang lahat ng handog na sinusunog.
29Pagkatapos ng paghahandog, lumuhod si Haring Ezequias at ang lahat ng kasama niya, at sumamba sa Panginoon.
30Nag-utos si Haring Ezequias at ang kanyang mga opisyal sa mga Levita upang purihin ang Panginoon sa pamamagitan ng mga awit na ginawa ni Haring David at ni Asaf na propeta. Kaya umawit sila ng mga awit ng pagpupuri na may kagalakan habang nakayuko sila sa pagsamba sa Diyos.