25Pagkatapos, nagtalaga si Ezequias ng mga Levita sa Templo ng Panginoon na may mga pompyang, alpa at mga lira. Itoʼy ayon sa utos ng Panginoon kay Haring David sa pamamagitan ni Gad na propeta ni David at kay Propeta Natan.
26Pumwesto ang mga Levita na may mga instrumento ni Haring David, at ang mga pari na may mga trumpeta.
27At nag-utos si Ezequias na ihandog sa altar ang mga handog na sinusunog. Habang naghahandog, ang mga awit ng papuri sa Panginoon ay sinimulan din, na tinutugtugan ng mga trumpeta at iba pang mga instrumento ni Haring David ng Israel.
28Ang buong kapulungan ay lumuhod sa pagsamba sa Panginoon habang umaawit ang mga mang-aawit at nagpapatugtog ang mga taga-trumpeta hanggang sa maialay ang lahat ng handog na sinusunog.
29Pagkatapos ng paghahandog, lumuhod si Haring Ezequias at ang lahat ng kasama niya, at sumamba sa Panginoon.