1Si Ezequias ay dalawampuʼt limang taóng gulang nang maging hari. Naghari siya sa Jerusalem sa loob ng dalawampuʼt siyam na taon. Ang kanyang ina ay si Abias na anak ni Zacarias.
2Matuwid ang ginawa ni Ezequias sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ng ninuno niyang si David.
3Sa unang buwan nang unang taon ng paghahari niya, pinabuksan niyang muli ang mga pintuan ng Templo ng Panginoon at ipinaayos ito.
4Ipinatawag niya ang mga pari at ang mga Levita, at pinatipon sa loob ng bakuran sa bandang silangan ng Templo.
5Sinabi niya sa kanila, “Pakinggan nʼyo ako, kayong mga Levita! Linisin ninyo ang inyong mga sarili ngayon, at linisin din ninyo ang Templo ng Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno. Kunin nʼyo sa Templo ang lahat ng bagay na itinuturing na marumi.