5Pagkatapos, pinatibay pa ni Ezequias ang kanyang mga depensa sa pamamagitan ng pagpapaayos ng mga pader at pagpapatayo ng mga tore. Pinalibutan pa niya ng isa pang pader ang lungsod, at pinatambakan ng lupa ang mababang bahagi ng Lungsod ni David. Nagpagawa rin siya ng maraming armas at mga pananggalang.
6Nagtalaga siya ng mga pinuno sa mga tao, at ipinatipon niya sila sa plasa, malapit sa pintuan ng lungsod. Pinalakas niya ang kanilang loob, sinabi niya,
7“Magpakatatag kayo at magpakatapang. Huwag kayong matakot o manlupaypay dahil sa hari ng Asiria o sa marami niyang sundalo. Sapagkat higit na makapangyarihan ang sumasaatin kaysa sa kanya.
8Mga tao lang ang kasama niya; pero tayo, kasama natin ang Panginoon na ating Diyos. Siya ang tutulong sa atin at makikipaglaban para sa atin.” Kaya tumatag ang mga tao dahil sa sinabi ni Haring Ezequias ng Juda.
9Habang nilulusob ni Haring Senaquerib at ng kanyang mga sundalo ang lungsod ng Laquis, isinugo niya ang kanyang mga opisyal sa Jerusalem para sabihin ito kay Haring Ezequias at sa mga mamamayan doon: