7“Magpakatatag kayo at magpakatapang. Huwag kayong matakot o manlupaypay dahil sa hari ng Asiria o sa marami niyang sundalo. Sapagkat higit na makapangyarihan ang sumasaatin kaysa sa kanya.
8Mga tao lang ang kasama niya; pero tayo, kasama natin ang Panginoon na ating Diyos. Siya ang tutulong sa atin at makikipaglaban para sa atin.” Kaya tumatag ang mga tao dahil sa sinabi ni Haring Ezequias ng Juda.
9Habang nilulusob ni Haring Senaquerib at ng kanyang mga sundalo ang lungsod ng Laquis, isinugo niya ang kanyang mga opisyal sa Jerusalem para sabihin ito kay Haring Ezequias at sa mga mamamayan doon:
10“Ito ang sinabi ni Haring Senaquerib ng Asiria: ‘Ano ba ang inaasahan ninyo at nananatili pa rin kayo sa Jerusalem kahit pinalilibutan na namin kayo?
11Sinabi ni Ezequias sa inyo na ililigtas kayo ng Panginoon na inyong Diyos sa kamay ng hari ng Asiria, pero inililigaw lang niya kayo upang mamatay kayo sa gutom at uhaw.