18Mula nang panahon ni Samuel, hindi naipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel na tulad nito. Hindi nakapagdiwang ang mga nakalipas na mga hari gaya ng pagdiriwang ni Haring Josias at ng mga pari, mga Levita, mga mamamayan ng Jerusalem, at ng mga mamamayan ng Juda at Israel.
19Ipinagdiwang ang pista noong ikalabingwalong taon ng paghahari ni Josias.
20Pagkatapos ng mga ginawa ni Josias para sa Templo, pinangunahan ni Haring Neco ng Ehipto ang kanyang mga sundalo sa pakikipaglaban doon sa Carquemis sa may Ilog Eufrates. Pumunta roon si Josias at ang kanyang mga sundalo upang makipaglaban kay Neco.
21Ngunit nagsugo si Neco ng mga mensahero kay Josias at sinabi, “Ano ang pakialam natin sa isaʼt isa, Haring Josias? Hindi ikaw ang nilulusob ko kundi ang bansang nakikipaglaban sa akin. At sinabi ng Diyos sa akin na bilisan ko ang paglusob. Kasama ko ang Diyos, kaya huwag mo akong kalabanin, dahil baka wasakin ka niya.”
22Ngunit hindi nagbago ng isip si Josias. Ipinasya niyang lumaban. Hindi siya naniwala sa sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Neco. Sa halip, nagbalat-kayo siya at umalis upang labanan si Neco sa kapatagan ng Megido.