5“Pumwesto kayo sa Templo ayon sa inyong grupo, at tumulong sa mga pamilya na naghahandog, na ipinagkatiwala sa inyo.
6Maglinis kayo at maghanda ng inyong sarili sa paglilingkod sa inyong mga kababayan. Pagkatapos, katayin nʼyo ang mga tupa para sa Pista ng Paglampas ng Anghel. Sundin nʼyo ang mga utos ng Panginoon sa inyo sa pamamagitan ni Moises.”
7Personal na nagbigay si Josias ng tatlumpung libong tupa at kambing at tatlong libong baka para sa handog ng mga tao sa panahon ng Pista ng Paglampas ng Anghel.
8Kusa ding nagbigay ang mga opisyal ni Josias sa mga tao, mga pari, at mga Levita. Ang mga tagapamahala ng Templo ng Diyos na sina Hilkias, Zacarias, at Jehiel ay nagbigay sa kapwa nila pari ng 2,600 tupa at kambing, at tatlong daang baka bilang handog sa pista.
9Ang mga pinuno ng mga Levita na si Conanias, ang kanyang mga kapatid na sina Semaias at Natanael, si Hashabias, Jeiel, at Jozabad ay nagbigay sa kapwa nila Levita ng limang libong tupa at kambing, at limandaang baka bilang handog sa pista.