5Dinala ito ng mga pari at ng mga Levita kasama ang Toldang Tipanan at ang mga banal na kagamitan nito sa loob ng Templo.
6Naghandog si Haring Solomon at ang buong mamamayan ng Israel sa harapan ng Kahon. Napakaraming tupa at baka ang kanilang inihandog, hindi ito mabilang dahil sa dami.
7Pagkatapos, dinala ng mga pari ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon sa lugar nito roon sa pinakaloob ng Templo, sa Pinakabanal na Lugar, sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin.
8Nakalukob ang pakpak ng mga kerubin kaya natatakpan ang Kahon at ang mga hawakang pasanan nito.
9Ang mga hawakang pasanan ay napakahaba kaya ang mga dulo nito ay tanaw mula sa Banal na Lugar, sa harapan ng pinakaloob ng Templo, ngunit hindi kita mula sa labas ng Banal na Lugar. Ang mga ito ay naroon pa rin hanggang ngayon.