20Ang lahat ng kopa ni Haring Solomon ay purong ginto, at ang lahat ng gamit sa bahagi ng palasyo na tinatawag na Kagubatan ng Lebanon ay purong ginto rin. Hindi ginawa ang mga ito sa pilak dahil maliit lang ang halaga nito noong panahon ni Solomon.
21May mga barko rin si Solomon na pang-negosyo, na ang tripulante ay ang mga tauhan ni Hiram. Ang mga barkong itoʼy umuuwi isang beses sa bawat tatlong taon, na may dalang mga ginto, pilak, pangil ng elepante, at malalakiʼt maliliit na uri ng mga unggoy at pabo real.
22Kaya walang sinumang hari sa mundo ang makakapantay kay Haring Solomon sa karunungan at kayamanan.
23Ang lahat ng hari sa mundo ay naghahangad na makita si Solomon upang makapakinig ng karunungan na ibinigay ng Diyos sa kanya.
24Taon-taon, ang bawat dumadalaw sa kanya ay may dalang mga regalo – mga bagay na gawa sa pilak at ginto, mga damit, mga sandata, mga sangkap, mga kabayo at mga mola.