22Kaya walang sinumang hari sa mundo ang makakapantay kay Haring Solomon sa karunungan at kayamanan.
23Ang lahat ng hari sa mundo ay naghahangad na makita si Solomon upang makapakinig ng karunungan na ibinigay ng Diyos sa kanya.
24Taon-taon, ang bawat dumadalaw sa kanya ay may dalang mga regalo – mga bagay na gawa sa pilak at ginto, mga damit, mga sandata, mga sangkap, mga kabayo at mga mola.
25May apat na libong kuwadra si Solomon para sa kanyang mga kabayo at mga karwahe. Siyaʼy may labindalawang libong kabayo na inilagay niya sa lungsod na lagayan ng kanyang mga karwahe, at ang ibaʼy doon sa Jerusalem.
26Sinakop niya ang lahat ng hari mula sa Ilog Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo at sa hangganan ng Ehipto.