23Ang lahat ng hari sa mundo ay naghahangad na makita si Solomon upang makapakinig ng karunungan na ibinigay ng Diyos sa kanya.
24Taon-taon, ang bawat dumadalaw sa kanya ay may dalang mga regalo – mga bagay na gawa sa pilak at ginto, mga damit, mga sandata, mga sangkap, mga kabayo at mga mola.
25May apat na libong kuwadra si Solomon para sa kanyang mga kabayo at mga karwahe. Siyaʼy may labindalawang libong kabayo na inilagay niya sa lungsod na lagayan ng kanyang mga karwahe, at ang ibaʼy doon sa Jerusalem.
26Sinakop niya ang lahat ng hari mula sa Ilog Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo at sa hangganan ng Ehipto.
27Noong panahong siya ang hari, ang pilak sa Jerusalem ay gaya lang ng karaniwang mga bato, at ang kahoy na sedro ay kasindami ng mga karaniwang kahoy na sikomoro sa mga kaburulan sa kanluran.