5Kaya Ginang, hinihiling ko sa iyo ngayon: Magmahalan tayong lahat. Hindi bago ang utos na ito kundi dati nang ibinigay ito sa atin noong nagsisimula pa lang tayo sa pananampalataya.
6Makikita ang pag-ibig sa atin kung namumuhay tayo ayon sa mga utos ng Diyos. At tulad nang narinig ninyo noong nagsimula kayo sa pananampalataya, ang utos niya ay mamuhay tayo nang may pag-ibig.
7Sinasabi ko ito sapagkat maraming manloloko ang naglipana sa mundo. Sila ang mga taong hindi kumikilala na si Hesu-Kristo ay dumating bilang tao. Ang ganitong mga tao ay manloloko at anti-Kristo.
8Mag-ingat kayo upang hindi mawala ang aming pinaghirapan; sa halip ay matanggap ninyo ang buong gantimpala.
9Ang taong hindi nagpapatuloy sa katuruan ni Kristo kundi nagtuturo pa ng labis dito, hindi sumasakanya ang Diyos. Ang taong nagpapatuloy sa katuruan ni Kristo, sumasakanya ang Ama at ang Anak.