1Naging hari ng Israel ang anak ni Jehu na si Joahaz nang ikadalawampuʼt tatlong taon ng paghahari ng anak ni Ahazias na si Joas sa Juda. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng labimpitong taon.
2Masasama ang ginawa ni Joahaz sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawa ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito.
3Kaya nagalit nang matindi ang Panginoon sa Israel. Hinayaan niyang masakop ito ni Haring Hazael ng Aram at ng anak nitong si Ben-hadad nang matagal na panahon.
4Nanalangin si Joahaz sa Panginoon at pinakinggan siya ng Panginoon, sapagkat nakita ng Panginoon ang sobrang kalupitan ng hari ng Aram sa Israel.
5Binigyan sila ng Panginoon ng tao na magliligtas sa kanila mula sa mga taga-Aram. Kaya muling namuhay nang may kapayapaan ang mga Israelita tulad ng dati.