17Noong ikatatlumpuʼt siyam na taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, naging hari ng Israel ang anak ni Gadi na si Menahem. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya sa loob ng sampung taon.
18Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawang kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito sa buong paghahari niya.
19Dumating si Haring Tiglat-pileser ng Asiria sa Israel para lusubin ito, kaya binigyan siya ni Menahem ng 35 toneladang pilak para tulungan siya nito na mapatibay pa ng husto ang kanyang paghahari.
20Kinuha ni Menahem ang mga pilak sa mga mayayaman ng Israel sa pamamagitan ng pagpilit sa bawat isa sa kanila na magbigay ng limampung piraso ng pilak. Kaya huminto sa paglusob ang hari ng Asiria at umuwi sa bansa niya.
21Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Menahem at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.