11Makinig ka! Narinig mo kung ano ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa halos lahat ng bansa. Nilipol sila nang lubusan. Sa palagay mo ba makakaligtas ka?
12Nailigtas ba ang mga bansang ito ng diyos nila? Ang mga lungsod ng Gozan, Haran, Reshef at ang mga mamamayan ng Eden na nasa Tel Asar ay nilipol ng mga ninuno ko.
13May nagawa ba ang hari ng Hamat, Arpad, Sefarvaim, Hena at Iva?”
14Kinuha ni Ezequias ang sulat mula sa mensahero at binasa niya ito. Pumunta siya sa Templo ng Panginoon at inilapag ang sulat sa presensya ng Panginoon.
15Pagkatapos, nanalangin siya, “Panginoon, Diyos ng Israel na nakaupo sa trono sa pagitan ng mga kerubin, kayo lang po ang Diyos na namamahala sa lahat ng kaharian dito sa mundo. Nilikha ninyo ang langit at lupa.