1Pagkatapos, ipinatawag ni Haring Josias ang lahat ng tagapamahala ng Juda at Jerusalem.
2Pumunta siya sa Templo ng Panginoon kasama ang lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem, mula sa pinakatanyag hanggang sa pinakamababa. Sumama rin ang mga pari at mga propeta. Binasa sa kanila ni Josias ang lahat ng nakasulat sa Aklat ng Kasunduan ng Diyos, na nakita sa Templo ng Panginoon.
3Pagkatapos, tumayo si Haring Josias sa gilid ng haligi. At gumawa siya ng kasunduan sa presensya ng Panginoon na susunod siya sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad sa kanyang mga utos, katuruan, at tuntunin nang buong pusoʼt kaluluwa. Sa ganitong paraan matutupad ang mga ipinapatupad na kasunduan na nasusulat sa aklat na ito. At nangako rin ang mga tao na tutupad sila sa kasunduan.