26Isang araw, habang naglalakad ang hari ng Israel sa itaas ng pader, may isang babaeng sumigaw sa kanya, “Tulungan po ninyo ako, Mahal na Hari!”
27Sumagot ang hari, “Kung hindi ka tinutulungan ng Panginoon, paano kita matutulungan? Wala akong trigo o alak na maibibigay sa iyo.”
28Pagkatapos nagtanong ang hari, “Ano ba ang problema mo?” Sumagot ang babae, “Sinabi po sa akin ng babaeng ito, ‘Kainin natin ang iyong anak ngayon at bukas naman ay ang aking anak.’
29Kaya niluto po namin ang aking anak at kinain. Nang sumunod na araw sinabi ko sa kanya na ibigay na niya ang kanyang anak para makain namin, ngunit itinago niya ito.”
30Nang marinig ng hari ang sinabi ng babae, pinunit niya ang damit niya sa sobrang kalungkutan. Habang naglalakad siya sa gilid ng pader, nakita siya ng mga tao na nakasuot ng sako na nakasuson sa kanyang damit bilang pagluluksa.