3Tinanong siya ni David, “Saan ka nanggaling?” Sumagot siya, “Tumakas po ako mula sa kampo ng mga Israelita.”
4Nagtanong si David, “Bakit, anoʼng nangyari? Sabihin mo sa akin.” “Tumakas po ang mga sundalo ng Israel sa labanan. Maraming napatay sa kanila pati na po si Saul at ang anak niyang si Jonatan,” sagot niya.
5Tinanong siyang muli ni David, “Paano mo nalamang patay na sina Saul at Jonatan?”
6“Nagkataon pong nandoon ako sa Bundok ng Gilboa, at nakita ko roon si Saul na nakasandal sa sibat niya. Palapit na po sa kanya ang mga kalaban na nakasakay sa mga karwahe at kabayo.
7“Nang lumingon siyaʼy nakita niya ako at tinawag. Kaya sinabi ko, ‘Ano po ang maipaglilingkod ko?’