1Muling nagalit ang Panginoon sa mga Israelita, kaya ginamit niya si David laban sa kanila. Sinabi niya, “Isensus mo ang mga mamamayan ng Israel at Juda.”
2Kaya sinabi ni Haring David kay Joab at sa mga kumander ng mga sundalo, “Puntahan nʼyo ang lahat ng lahi ng Israel, mula Dan hanggang Beer-seba, at isensus nʼyo ang mga mamamayan, upang malaman ko kung ilan silang lahat.”
3Ngunit sumagot si Joab sa hari, “Paramihin sana ng Panginoon na inyong Diyos ang mga tauhan nʼyo ng isandaang beses, at makita nʼyo sana ito. Ngunit, Mahal na Hari, bakit gusto nʼyong gawin ang bagay na ito?”
4Ngunit nagpumilit ang hari, kaya lumakad si Joab at ang mga opisyal ng mga sundalo para isensus ang mga mamamayan ng Israel.