21Ipinangaral nina Pablo at Bernabe ang Magandang Balita sa Derbe at marami silang nahikayat na maging alagad ni Hesu-Kristo. Pagkatapos, bumalik na naman sila sa Listra, Iconio, at sa Antioquia na sakop ng Pisidia.
22Pinatatag nila ang loob ng mga alagad ni Hesus at pinayuhang magpatuloy sa kanilang pananampalataya. Sinabi pa nila, “Maraming paghihirap ang daranasin natin bago tayo makapasok sa kaharian ng Diyos.”
23Pumili sina Pablo at Bernabe ng mga mamumuno sa bawat iglesya. Nag-ayuno sila at nanalangin para sa mga napili, at ipinagkatiwala nila ang mga ito sa Panginoon na kanilang pinananaligan.
24Pagkatapos, dumaan sila sa Pisidia at dumating sa Pamfilia.
25Nangaral sila roon sa Perga at pagkatapos ay bumaba sila sa Atalia.