27Sapagkat alam ko pong hindi nʼyo ako pababayaan sa mundo ng mga patay. Hindi nʼyo rin hahayaang mabulok ang inyong Banal na Lingkod.
28Itinuro nʼyo sa akin ang landas patungo sa buhay, at dahil kayo ay palagi kong kasama, lubos ang aking kaligayahan.’
29“Mga kababayan, malinaw na hindi tinutukoy ng ating ninunong si David ang kanyang sarili, dahil namatay siya at inilibing, at hanggang ngayon ay alam natin kung saan siya nakalibing.
30Si David ay propeta at alam niyang nangako ang Diyos sa kanya na ang isa sa kanyang mga lahi ay magmamana ng kanyang trono.
31At dahil alam niya kung ano ang mangyayari, ipinahayag niya ang muling pagkabuhay ng Mesias, na hindi siya pinabayaan sa mundo ng mga patay at hindi nabulok ang kanyang katawan.