6Ngunit sinabi ni Pedro sa kanya, “Wala ako ni isang kusing. Ngunit ibibigay ko saʼyo kung anoʼng mayroon ako. Sa pangalan ni Hesu-Kristo na taga-Nazaret, tumayo ka at lumakad!”
7At hinawakan ni Pedro ang kanang kamay nito upang tulungang tumayo. Biglang lumakas ang kanyang mga paa at bukong-bukong.
8Palukso siyang tumayo at nagsimulang maglakad-lakad. Pagkatapos, pumasok siya sa Templo kasama nina Pedro at Juan habang palakad-lakad at patalon-talon na nagpupuri sa Diyos.
9Nakita siya ng lahat ng tao roon na naglalakad at nagpupuri sa Diyos.
10Nang mapansin nila na siya pala iyong palaging nakaupo at namamalimos doon sa pintuan ng Templo na tinatawag na Maganda, lubos silang namangha.