1Tinanong ng punong pari si Esteban, “Totoo ba ang mga paratang saʼyo?”
2Sumagot si Esteban, “Mga kapatid at mga magulang, pakinggan nʼyo po ako. Noong unang panahon, ang Diyos ng kaluwalhatian ay nagpakita sa ating ninunong si Abraham noong siyaʼy nasa Mesopotamia pa, bago siya lumipat sa Haran.
3Sinabi ng Diyos sa kanya, ‘Lisanin mo ang iyong lupain, ang iyong mga kamag-anak, at pumunta ka sa lugar na ipapakita ko sa iyo.’ ”
4“Kaya nilisan ni Abraham ang lupain ng Caldeo at doon siya nanirahan sa Haran. Pagkamatay ng kanyang ama, pinapunta siya ng Diyos sa lupaing ito na tinitirhan natin ngayon.
5Noong panahong iyon, wala pang ipinamana ang Diyos sa kanya kahit na kapirasong lupa. Ngunit nangako ang Diyos na ibibigay niya ang lupaing ito sa kanya at sa kanyang magiging lahi, kahit na wala pa siyang anak noon.