8Ang mga taoʼy pasuray-suray na naghahanap ng tubig; palipat-lipat sila sa mga bayan, pero walang makuhang sapat na maiinom. Ngunit hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.
9“Sinira ko nang maraming beses ang inyong mga taniman at ubasan sa pamamagitan ng mainit na hangin at ng mga amag. Sinalakay ng mga balang ang inyong mga puno ng igos at olibo. Ngunit hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.
10“Pinadalhan ko kayo ng mga salot katulad ng mga ipinadala ko sa Ehipto. Ipinapatay ko ang inyong mga binata sa digmaan at ipinabihag ang inyong mga kabayo. Pinuno ko ang inyong mga ilong ng alingasaw ng mga patay sa inyong mga kampo. Ngunit hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.
11“Nilipol ko ang iba sa inyo katulad ng ginawa ko sa Sodoma at Gomora. At ang ilan sa inyo na nakaligtas ay parang panggatong na inagaw sa apoy. Ngunit hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
12“Kaya muli kong gagawin ang mga parusang ito sa inyong mga taga-Israel. At dahil gagawin ko ito, humanda kayo sa pagharap sa akin na inyong Diyos!”