20Habang akoʼy nagsasalita at nananalangin at ipinapahayag ang aking kasalanan at ang kasalanan ng aking mga kababayang Israelita. Nagmakaawa ako sa Panginoon kong Diyos alang-alang sa kanyang banal na bundok.
21At habang nananalangin ako, mabilis na lumipad papunta sa akin si Gabriel na nakita ko noon sa aking pangitain. Oras iyon ng panghapong paghahandog.
22Pinaunawa niya sa akin at sinabi, “Daniel, naparito ako upang ipaliwanag sa iyo ang tungkol sa pangitain.
23Sa simula pa lamang ng iyong panalangin ay may ipinahayag na ang Diyos, kung kayaʼt akoʼy pumarito para sabihin sa iyo, dahil mahal ka ng Diyos. Kaya makinig ka at unawain ang sasabihin ko sa iyo.
24“Isang yugto ng pitumpung pito ang itinakda ng Diyos sa banal na lungsod at sa mga kababayan mo upang tigilan nila ang pagrerebelde sa Diyos, upang mapatawad ang kanilang kasalanan, upang mapairal ng Diyos ang walang hanggang katuwiran, upang matupad ang pangitain at propesiya, at upang maihandog na muli ang Pinakabanal na Lugar.