2Ito ang gawin ninyo: Hindi na dapat singilin ng nagpautang ang utang ng kapwa niya Israelita. Hindi na niya ito sisingilin dahil umabot na ang panahon na itinakda ng Panginoon na ipawalang-bisa ang mga utang.
3Maaari ninyong singilin ang mga dayuhan ngunit dapat ipawalang-bisa ninyo ang utang ng inyong kapwa Israelita.
4Kailangang walang maging mahirap sa inyo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Diyos na inyong aangkinin, dahil tiyak na pagpapalain niya kayo,
5basta sundin ninyong mabuti ang Panginoon na inyong Diyos at tuparin ang lahat ng utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon.
6Pagpapalain kayo ng Panginoon na inyong Diyos ayon sa ipinangako niya sa inyo. Maraming bansa ang mangungutang sa inyo, ngunit kayo ay hindi mangungutang. Pamamahalaan ninyo ang maraming bansa ngunit hindi kayo mapamamahalaan.