1Ito ang basbas na sinabi ni Moises na lingkod ng Diyos sa mga Israelita bago siya namatay.
2Sinabi niya, “Dumating ang Panginoon galing sa Sinai; nagpakita siya galing sa Bundok ng Seir katulad ng pagsikat ng araw. Sumikat siya sa mga tao galing sa Bundok ng Paran. Dumating siyang kasama ang libo-libong mga anghel, at ang kanyang kanang kamay ay may dala-dalang naglalagablab na apoy.
3Tunay na minamahal ng Panginoon ang kanyang mamamayan. Pinoprotektahan niya ang mga taong kanyang pinili. Kaya siyaʼy sinusunod nila at tinutupad ang kanyang utos.
4Ibinigay ni Moises sa ating mga lahi ni Jacob ang kautusan bilang mana.
5Naging hari ang Panginoon ng Israel nang magtipon ang kanilang mga pinuno at ang kanilang mga angkan.”
6Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Ruben, “Sanaʼy hindi mawala ang mga lahi ni Ruben kahit kakaunti lang sila.”
7Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Juda, “O Panginoon, pakinggan po ninyo ang paghingi ng tulong ng lahi ni Juda. Muli po ninyo silang isama sa ibang mga lahi ng Israel. Ipagtanggol at tulungan ninyo sila laban sa kanilang mga kaaway.”
8Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Levi, “O Panginoon, ibinigay po ninyo ang Tumim at Urim sa mga tapat ninyong lingkod na lahi ni Levi. Sinubukan ninyo sila sa Masa at sinaway sa tabi ng tubig ng Meriba.
9Nagpakita sila ng malaking katapatan sa inyo kaysa sa kanilang mga magulang, mga kapatid at mga anak. Sinunod po nila ang inyong mga utos, at iningatan ang inyong kasunduan.
10Tuturuan nila ang mga Israelita ng inyong mga utos at tuntunin kay Jacob, at maghahandog sila ng insenso at mga handog na sinusunog sa inyong altar.
11O Panginoon, pagpalain nʼyo po sila, at nawaʼy masiyahan kayo sa lahat ng kanilang ginagawa. Ibagsak po ninyo ang kanilang mga kaaway para hindi na sila makabangon pa.”
12Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Benjamin, “Ang minamahal ng Panginoon ay naninirahan ng ligtas sa piling niya. Inilalayo niya sila sa kapahamakan at nananahan sa kanilang kalagitnaan.”
13Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Jose, “Sanaʼy pagpalain ng Panginoon ang kanilang lupain at padalhan sila palagi ng ulan at ng tubig mula sa ilalim ng lupa.
14Sa tulong ng araw, mamunga sana nang maayos ang kanilang mga pananim at mamunga sa tamang panahon nito.
15Sana ang kanilang sinaunang kabundukan at kaburulan ay magkaroon ng mabuti at masaganang mga bunga.
16Umani sana nang sagana ang kanilang lupa dahil sa kabutihan ng Diyos na nagpahayag sa kanila sa naglalagablab na mababang punongkahoy. Manatili sana ang mga pagpapalang ito sa lahi ni Jose dahil nakakahigit siya sa kanyang mga kapatid.
17Ang kanyang lakas ay katulad ng lakas ng batang bakang lalaki. Ang kanyang kapangyarihan ay katulad ng kapangyarihan ng sungay ng mailap na baka. Sa pamamagitan nito, ibabagsak niya ang mga bansa kahit na ang mga nasa malayo. Ganito ang aking pagpapala sa maraming mamamayan ng Efraim at Manases.”
18Sinabi ni Moises tungkol sa lahi nila Zebulun at Isacar, “Matutuwa ang lahi nina Zebulun at Isacar dahil uunlad sila sa kanilang lugar.
19Iimbitahan nila ang mga tao na pumunta sa kanilang bundok para maghandog ng tamang handog sa Diyos. Magdiriwang sila dahil sa maraming pagpapala na nakuha nila sa dagat at sa baybayin nito.”
20Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Gad, “Purihin ang Diyos na nagpapalawak ng teritoryo ng lahi ni Gad! Nabubuhay sila sa lupaing ito katulad ng leon na handang sumunggab ng kamay o ng ulo ng kanyang kaaway.
21Pinili niya ang pinakamagandang lupain na nababagay sa mga pinuno. Kapag nagtitipon ang mga tagapamahala ng mga mamamayan ng Israel, sinusunod nila ang mga ipinatutupad ng Panginoon at ang kanyang mga tuntunin para sa Israel.”
22Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Dan, “Ang lahi ni Dan ay katulad ng mga batang leon na tumatalon-talon mula sa Bashan.”
23Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Neftali, “Ang lahi ni Neftali ay sagana sa pagpapala ng Panginoon. Maangkin sana nila ang lupain sa kanluran at sa timog.”
24Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Asher, “Pagpalain nawa ng Panginoon ang lahi ni Asher nang higit pa sa lahat ng lahi ng Israel. Nawa ay maging masaya sa kanila ang kapwa nila mga Israelita at maging sagana ang kanilang langis.
25At sanaʼy maprotektahan ng mga tarangkahang bakal at tanso ang mga pintuan ng kanilang lungsod, at sanaʼy manatili ang kanilang kadakilaan habang silaʼy nabubuhay.
26Walang katulad ang Diyos ng Israel. Sa kanyang kadakilaan, sumasakay siya sa ulap para matulungan kayo. Sa kanyang kadakilaan dumarating siya mula sa langit.
27Ang walang hanggang Diyos ang inyong kanlungan; palalakasin niya kayo sa pamamagitan ng walang hanggan niyang kapangyarihan. Palalayasin niya ang inyong mga kaaway sa inyong harapan, at iuutos niya sa inyo, ‘Lipulin ninyo sila.’
28Kaya mamumuhay ang Israel na malayo sa kapahamakan, sapagkat payapa ang lahi ni Jacob sa lupaing sagana sa trigo at bagong alak, at kung saan ang hamog na mula sa langit ay nagbibigay ng tubig sa lupa.
29Pinagpala kayo, mga mamamayan ng Israel! Wala kayong katulad, isang bansang iniligtas ng Panginoon. Ang Panginoon ang pananggalang at tulong ninyo, at siya ang makikipaglaban para sa inyo. Gagapang ang inyong mga kaaway papunta sa inyo, at tatapakan ninyo sila sa likod.”