7Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Juda, “O Panginoon, pakinggan po ninyo ang paghingi ng tulong ng lahi ni Juda. Muli po ninyo silang isama sa ibang mga lahi ng Israel. Ipagtanggol at tulungan ninyo sila laban sa kanilang mga kaaway.”
8Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Levi, “O Panginoon, ibinigay po ninyo ang Tumim at Urim sa mga tapat ninyong lingkod na lahi ni Levi. Sinubukan ninyo sila sa Masa at sinaway sa tabi ng tubig ng Meriba.
9Nagpakita sila ng malaking katapatan sa inyo kaysa sa kanilang mga magulang, mga kapatid at mga anak. Sinunod po nila ang inyong mga utos, at iningatan ang inyong kasunduan.
10Tuturuan nila ang mga Israelita ng inyong mga utos at tuntunin kay Jacob, at maghahandog sila ng insenso at mga handog na sinusunog sa inyong altar.
11O Panginoon, pagpalain nʼyo po sila, at nawaʼy masiyahan kayo sa lahat ng kanilang ginagawa. Ibagsak po ninyo ang kanilang mga kaaway para hindi na sila makabangon pa.”