17Ang kanyang lakas ay katulad ng lakas ng batang bakang lalaki. Ang kanyang kapangyarihan ay katulad ng kapangyarihan ng sungay ng mailap na baka. Sa pamamagitan nito, ibabagsak niya ang mga bansa kahit na ang mga nasa malayo. Ganito ang aking pagpapala sa maraming mamamayan ng Efraim at Manases.”
18Sinabi ni Moises tungkol sa lahi nila Zebulun at Isacar, “Matutuwa ang lahi nina Zebulun at Isacar dahil uunlad sila sa kanilang lugar.
19Iimbitahan nila ang mga tao na pumunta sa kanilang bundok para maghandog ng tamang handog sa Diyos. Magdiriwang sila dahil sa maraming pagpapala na nakuha nila sa dagat at sa baybayin nito.”
20Sinabi ni Moises tungkol sa lahi ni Gad, “Purihin ang Diyos na nagpapalawak ng teritoryo ng lahi ni Gad! Nabubuhay sila sa lupaing ito katulad ng leon na handang sumunggab ng kamay o ng ulo ng kanyang kaaway.
21Pinili niya ang pinakamagandang lupain na nababagay sa mga pinuno. Kapag nagtitipon ang mga tagapamahala ng mga mamamayan ng Israel, sinusunod nila ang mga ipinatutupad ng Panginoon at ang kanyang mga tuntunin para sa Israel.”