16Bawat taon, dapat makiisa ang bawat lalaki sa tatlong pistang ito: ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, ang Pista ng Pag-aani at ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol. Pupunta ang bawat isa sa kanila sa harapan ng Panginoon na inyong Diyos sa lugar na pipiliin niya,
17at nararapat na magdala sila ng handog sa Panginoon ayon sa pagpapalang ibinigay sa kanila ng Panginoon na inyong Diyos.
18Magtalaga kayo ng mga hukom at opisyal sa bawat lahi ninyo sa lahat ng bayan na ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Diyos. Sila ang maghuhukom sa mga mamamayan nang walang pinapanigan.
19Huwag nilang babaluktutin ang hustisya at dapat wala silang pinapaboran sa paghuhukom. Huwag silang tatanggap ng suhol dahil makakabulag ito sa marurunong at matutuwid, at makakaimpluwensya sa desisyon nila.
20Dapat mangibabaw ang tamang hustisya upang mabuhay kayo at makapanirahan sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Diyos.