11Magsaya kayo dahil mabuti ang mga bagay na ibinibigay ng Panginoon na inyong Diyos sa inyo at sa inyong pamilya. Isama rin ninyo sa pagdiriwang ang mga Levita at ang mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo.
12Sa bawat ikatlong taon, ibigay ninyo ang ikasampung bahagi ng inyong ani sa mga Levita, sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda, para mayroon silang masaganang pagkain.
13Pagkatapos, sabihin ninyo sa harapan ng Panginoon na inyong Diyos, “Kinuha ko na po sa aking bahay ang banal na bahagi, iyon ang ikasampung bahagi, at ibinigay sa mga Levita, sa mga dayuhan, sa mga ulila at sa mga biyuda ayon sa lahat ng iniutos nʼyo sa amin. Hindi po ako sumuway o lumimot sa kahit isang utos ninyo.
14Hindi ko po ito kinain habang nagdadalamhati ako; hindi ko ito ginalaw habang itinuturing akong marumi at hindi ko po ito inihandog sa patay. O Panginoon na aking Diyos, sinunod ko po kayo. Ginawa ko ang lahat ng iniutos ninyo sa amin.
15Tingnan po ninyo kami mula sa inyong banal na tahanan sa langit, at pagpalain ang mga mamamayan ninyong Israelita at ang lupaing masagana sa gatas at pulot na ibinigay ninyo sa amin ayon sa ipinangako ninyo sa aming mga ninuno.”