19“Kaya isulat mo ang awit na ito at ituro sa mga Israelita. Ipaawit mo ito sa kanila para maging saksi ito laban sa kanila.
20Dadalhin ko sila sa maganda at masaganang lupaing ipinangako kong ibibigay sa kanilang mga ninuno. Doon, mabubuhay sila nang masagana; kakain sila ng lahat ng pagkaing gusto nila, at mabubusog sila. Subalit tatalikuran nila ako at sasamba sa ibang mga diyos. Susuwayin nila ang aking kasunduan.
21Kung dumating na sa kanila ang maraming kapahamakan at mga kahirapan, ang awit na ito ang magiging saksi laban sa kanila, sapagkat hindi ito malilimutan ng kanilang mga lahi. Nalalaman ko kung ano ang pinaplano nilang gawin kahit na hindi ko pa sila nadadala sa lupaing ipinangako ko sa kanila.”
22Sa araw na iyon, isinulat ni Moises ang awit at itinuro sa mga Israelita.
23Itinalaga ng Panginoon si Josue na anak ni Nun. Sabi niya, “Magpakatatag ka at magpakatapang, dahil ikaw ang magdadala sa mga Israelita sa lupaing ipinangako ko sa kanila, at sasamahan kita.”