14Binigyan niya sila ng keso at gatas ng mga baka at kambing, at binigyan ng matatabang tupa at kambing mula sa Bashan. Binigyan din niya sila ng pinakamainam na trigo at pinainom ng alak.
15Naging maunlad ang mga Israelita subalit nagrebelde sila. Tumaba sila at lumakas, ngunit tinalikuran nila ang Diyos na lumikha sa kanila, at sinuway nila ang Batong kanlungan na kanilang Tagapagligtas.
16Pinagselos nila at ginalit ang Panginoon dahil sa kanilang pagsamba sa mga diyos na kasuklam-suklam.
17Naghandog sila sa mga demonyo na hindi tunay na Diyos, mga diyos na hindi nila kilala at kailan lamang lumitaw, at hindi iginalang ng kanilang mga ninuno.
18Kinalimutan nila ang Diyos na Batong kanlungan at lumikha sa kanila.