12Alalahanin rin ninyo na noon ay hindi nʼyo pa kilala si Kristo; hindi kayo kabilang sa mga mamamayan ng Israel at hindi sakop ng mga kasunduan ng Diyos na batay sa mga pangako niya. Namumuhay kayo sa mundong ito nang walang pag-asa at walang Diyos.
13Ngunit kayo ngayon ay nakay Kristo Hesus na. Malayo kayo noon sa Diyos, pero ngayon ay malapit na sa kanya sa pamamagitan ng dugo ni Kristo.
14Sapagkat siya mismo ang nagbigay sa atin ng kapayapaan. Inalis niya ang alitang namamagitan sa atin, na animoʼy pader na naghihiwalay sa atin.
15Sa kanyang kamatayan ay pinawalang-bisa niya ang Kautusan, kasama ang mga utos at mga tuntunin nito. Ginawa niya ito upang maging isang katawan tayong mga Hudyo at mga Hentil, at sa ganitong paraan ay pinagkasundo niya tayo.
16Ngayong pinag-isa na ang dalawa sa iisang katawan sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, winakasan na niya ang alitan natin at ibinalik niya tayo sa Diyos.