4Sapagkat may gantimpalang ipinangako sa mga taong lilipol sa amin. Kung ipinagbili lang po kami para maging alipin, makakaya ko pong manahimik na lamang dahil hindi naman iyon mahalaga para gambalain ko pa kayo.”
5Sinabi ni Haring Asuero, “Sino ang nangahas na gumawa ng bagay na iyon at nasaan siya ngayon?”
6Sumagot si Ester, “Ang kumakalaban po sa amin at ang kaaway namin ay ang masamang si Haman.” Takot na takot si Haman habang nasa harap ng hari at ng reyna.
7Galit na galit na tumayo ang hari. Iniwan niya ang kanyang iniinom at pumunta sa hardin ng palasyo. Naiwan si Haman na nagmamakaawa kay Reyna Ester dahil natitiyak niyang parurusahan siya ng hari.
8Pagbalik ng hari mula sa hardin, nakita niyang nakadapa si Haman na nagmamakaawa sa harap ng hinihigaan ni Ester. Kaya sinabi ng hari, “At gusto mo pang pagsamantalahan ang reyna dito sa loob ng aking palasyo!” Pagkasabi niyon ng hari, dinakip ng mga naroon si Haman at tinalukbungan ang ulo nito.