5Sinabi niya, “Kung kalugod-lugod po ako sa inyo, Mahal na Hari, at kung para sa inyoʼy tama at matuwid ito, nais ko sanang hilingin sa inyo na gumawa po kayo ng isang kautusan na magpapawalang bisa sa kautusang ipinakalat ni Haman na anak ni Hamedata na Agageo, na patayin ang lahat ng Hudyo sa inyong kaharian.
6Hindi ko po matitiis na makitang nililipol ang aking mga kalahi at kamag-anak.”
7Sinabi ni Haring Asuero kay Reyna Ester at kay Mordecai na Hudyo, “Ipinatuhog ko na si Haman dahil sa masama niyang plano na patayin ang mga Hudyo. Kaya ibinigay ko na sa iyo, Ester, ang mga ari-arian niya.
8Kaya gumawa kayo ng kautusan sa aking pangalan ng anumang nais ninyong isulat para sa ikabubuti ng mga Hudyo, at pagkatapos ay tatakan ninyo ng singsing ko. Dahil anumang kasulatan na isinulat sa pangalan ng hari at tinatakan ng singsing niya ay hindi mababago.”
9Kaya noong ikadalawampuʼt tatlong araw ng ikatlong buwan, ang buwan ng Sivan, ipinatawag ang mga kalihim ng hari. Isinulat nila ang lahat ng idinikta ni Mordecai. Ang sulat ay para sa mga Hudyo, mga gobernador, mga punong-bayan, at iba pang lingkod ng hari sa 127 lalawigan, mula sa India hanggang sa Etiopia. Isinulat ito sa bawat wika ng mga tao sa buong kaharian, pati na sa wika ng mga Hudyo.