20Katayin ninyo ito at kumuha ka ng dugo, at ipahid sa ibabang bahagi ng kanang tainga ni Aaron at ng mga anak niya, at sa mga kanang hinlalaki ng kanilang kamay at paa. Pagkatapos, iwiwisik ang natirang dugo sa palibot ng altar.
21Kumuha ka ng kaunting dugo sa altar at ihalo ito sa langis na pambuhos, iwisik ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki, at sa kanilang mga damit. Sa pamamagitan nito, maitatalaga si Aaron at ang mga anak niya, pati na ang mga damit nila.
22“Pagkatapos, kunin mo ang taba ng tupa, ang matabang buntot, ang taba ng mga lamang-loob, ang taba ng atay, ang dalawang bato pati ang mga taba nito, at ang kanang hita. Ito ang tupang handog para sa pagtatalaga sa mga pari.
23Kumuha ka sa basket ng mga tinapay na walang pampaalsa na inihandog sa akin: isang makapal na tinapay, isang maliit na tinapay na hinaluan ng langis ng olibo at isang manipis na tinapay.
24Ipahawak mo itong lahat kay Aaron at sa mga anak niya, at itataas nila ito sa akin bilang mga handog na itinataas.