13Pinalamutian kita ng pilak at ginto, dinamitan ng pinong lino, mamahaling tela at burdadong damit. Ang pagkain moʼy mula sa pinakamagandang klase ng harina, pulot at langis ng olibo. Mas gumanda ka at ikaw ay naging reyna.
14Naging tanyag ka sa mga bansa dahil sa labis mong kagandahan, at sa karangyaang ibinigay ko sa iyo. Ako, ang Makapangyarihang Panginoon, ang nagsasabi nito.
15“Ngunit, nagtiwala ka sa iyong kagandahan at ginamit mo ang iyong katanyagan. Tulad ng isang babaeng bayaran, ipinagamit mo ang sarili mo sa kung kani-kaninong lalaki at nagpakasasa sila sa iyo.
16Ginamit mo ang iba mong damit upang pagandahin ang mga sambahan sa matataas na lugar at dooʼy ipinagamit mo ang iyong sarili sa mga lalaki. Hindi ito dapat nangyari.
17Ginamit mo rin ang mga pilak at gintong alahas na ibinigay ko sa iyo sa paggawa ng mga lalaking diyos-diyosan na sinamba mo at naging tulad ka ng babaeng bayaran.